Total gun ban sa Ilocos Sur
VIGAN, Ilocos Sur , Philippines — Magpapatupad ng total gun ban ang probinsya ng Ilocos Sur para sa pagdaraos ng 2018 Palarong Pambansa rito na magbubukas ngayong araw at magtatapos sa Abril 21.
Sinabi ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson na ito ay para matiyak ang kaligtasan ng humigit-kumulang sa 20,000 delegasyon mula sa 17 rehiyon sa buong bansa sa naturang taunang sports event para sa mga elementary at high school students.
Inaasahang tatayong guest speaker si Pangulong Rodrigo Duterte sa makulay na opening ceremony ng 2018 Palarong Pambansa ngayong hapon sa President Elpidio Quirino Stadium.
“This gathering occurs at an opportune time when we are accelerating our momentum towards a harmonious and empowered society. I encourage everyone to develop our youth’s great potential by showcasing their skill and dynamic energy in their chosen sport,” sabi ni Presidente Duterte.
Bahagi rin ng opening ceremony program ang sky diving, hot air balloon show, street dancing showdown at ang pagkanta ni Bituin Escalante ng National Anthem.
Makakasama ni Presidente Duterte sa entablado sina Singson, Vice Gov. Jeremias Singson, Bantay Mayor Samuel Parilla II, Department of Education Secretary Leonor Briones at sina Philippine Sports Commissioners Ramon Fernandez, Charles Maxie, Celia Kiram at Arnold Agustin.
Inimbitahan din sina Filipino sports greats Lydia de Vega-Mercado ng athletics, Eugene Torre ng chess, Efren “Bata” Reyes ng billiards at Paeng Nepomuceno ng bowling at maging si Sen. Manny Pacquiao.
Kabuuang 1,311 medalya kasama ang 397 ginto ang nakataya sa 21 regular events na binubuo ng athletics, swimming, archery, arnis, badminton, baseball, basketball, billiards, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball, wrestling at wushu.
Ang mga demonstration sports ay ang aero gymnastics, dancesports at pencak silat.
Samantala, hinirang ang Davao bilang host ng 2019 Palarong pambansa sa isinagawang bidding kahapon.
- Latest