Generika pinadapa ang Cignal

MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Generika-Ayala ang classification round nang pataubin nito ang Cignal sa bisa ng 25-22, 25-20, 25-20 desisyon kahapon sa Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.

Sinamantala ng Lifesavers ang pagkapilay ng HD Spikers matapos magtamo ng ankle injury si Cignal reinforcement Sonja Milanovic sa huling bahagi ng first set at tuluyan nang hindi nakabalik sa laro.

Bumanat ng husto si Darlene Ramdin ng Trinidad and Tobago na nakalikom ng 17 puntos mula sa 16 attacks at isang ace para pamunuan ang Lifesavers na mahablot ang ikatlong panalo.

“We just go all out because we want to finish the (classification round) strong and I’m glad we accomplished it tonight. I’m happy that this team is not giving up despite losing in our previous matches,” wika ni Ramdin.

Magandang panalo ito para sa Lifesavers upang madala ang momento sa pagpasok ng quarterfinals.

“It’s a very important win for us because it gives us confidence going into the next round. It builds the momentum for our next game in the quarterfinals,” dagdag ni Ramdin.

Nakakuha ng sapat na suporta si Ramdin mula kay American open hitter Symone Hayden gayundin sa local players partikular na kina middle blockers Ria Meneses at Mika Lopez at opposite hitter Angeli Araneta.

Gayunpaman, hindi gumalaw ang puwesto ng HD Spikers at Lifesavers.

Mananatili ang Cignal sa ikaanim na puwesto tangan ang 3-7 rekord habang ikapito naman ang Generika-Ayala na may parehong 3-7.

Magsisimula ang quarterfinal stage bukas kung saan makakaharap ng top seed at nagdedepensang F2 Logistics ang No. 8 Smart Prepaid habang sasagupain naman ng second pick Petron ang No. 7 Generika-Ayala sa Gen. Trias Sports Center sa Cavite.

Show comments