Batang Gilas kaya ring gumawa ng sorpresa

MANILA, Philippines — Kung nakagawa ng sorpresa ang Gilas Pilipinas noong 2014 FIBA World Cup sa Spain ay kaya rin itong gayahin ng Batang Gilas sa 2018 FIBA Under-17 World Cup sa Argentina.

Ito ang ibinigay na inspirasyon ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes sa Batang Gilas na nalagay sa tinatawag na “group of death” sa 2018 FIBA Under-17 World Cup na nakatakda sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 8 sa Rosario at Sante Fe, Argentina.

Noong 2014 FIBA World Cup ay pinuwersa ng Gilas Pilipinas ang Croatia sa overtime bago naisuko ang laro sa 78-81 habang apat na puntos lamang ang naging kalamangan ng Argentina, 85-81.

“The fact that the team is there, they will always have a chance,” wika ni Reyes sa welcome dinner sa Bar One of Crowne Plaza sa Pasig City noong Martes. “Anyone can remember 2014 and we were bracketed with Argentina and Croatia and we took those teams to the last possession.”

Sa pangunguna ni  7’1 Kai Sotto, kumuha ang Batang Gilas ng tiket sa 2018 World Cup matapos makapasok sa top four ng nakaraang FIBA Asia Under-16 Championship sa Foshan, China.

Kasama ng Batang Gilas sa Group D ang Argentina, Croatia at France, ang World No. 7, 8 at 9 teams, ayon sa pagkakasunod.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Batang Gilas assistant coach Josh Reyes na makakapangggulat sila.

Bukod kay Sotto, ang iba pang miyembro ng Batang Gilas ay sina RC Calimag, Fortshky Padrigao, Rafael Go, Geoff Chiu, Raven Cortez, King Balaga, Yukien Andrada, McLaude Guadana, Jorick Bautista, Terrence Fortea at Joshua Lazaro.

Show comments