LOS ANGELES--Humataw si Donovan Mitchell ng 28 points, 9 rebounds at 8 assists para tulungan ang Utah sa 112-97 panalo laban sa Lakers at sikwatin ang playoff berth.
Ang Utah ang ikaapat na koponan sa mahigpitang Western Conference na nakapitas ng postseason spot habang lima pa ang nag-aagawan para sa huling apat na puwesto bago magtapos ang regular season bukas.
Ito ang ikalawang sunod na playoff appearance ng Jazz bago pa man lumipat si star small forward Gordon Hayward sa Boston Celtics bilang free agent sa nakaraang offseason.
Nagdagdag si Joe Ingles ng 22 points mula sa 9-of-12 fieldgoal shooting bukod pa ang 10 assists para sa Utah, samantalang naglista si Jae Crowder ng 18 points mula sa bench.
Pinamunuan ni Josh Hart ang Los Angeles mula sa kanyang 25 points at humakot si Julius Randle ng 17 points at 7 rebounds.
Ang basket ni Royce O’Neale ang nagbigay sa Jazz ng 98-76 abante sa unang apat na minuto ng fourth quarter na siya nilang naging pinakamalaking kalamangan laban sa Lakers.
Sa Phoenix, humugot si Klay Thompson ng 22 sa kanyang 34 points sa first quarter at pinadapa ng Golden State Warriors ang Suns, 117-100 sa ika-15 sunod nilang pagtutuos.
Nag-ambag si Kevin Durant ng 17 points at 9 assists para sa Warriors.
Dahil sa kabiguan at sa panalo ng Memphis Grizzlies laban sa Detroit Pistons ay tiyak na ang Phoenix sa pagkakaroon ng worst record sa NBA sa kanilang 20-61 baraha.