Lady Spikers amoy na ang ‘twice-to-beat’

MANILA, Philippines — Napaamo ng nagdedepensang De La Salle Uni­ver­sity ang University of San­to Tomas sa bendisyon ng 25-23, 25-23, 25-22 oras­yon upang makalapit sa ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Umangat ang Lady Spikers sa 10-2 baraha kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nila para maipormalisa ang pagsungkit sa unang ‘twice-to-beat’ incentive sa semis.

Minanduhan ni opposite hitter Kim Kianna Dy ang balanseng atake ng La Salle nang humataw ng 12 points buhat sa 8 attacks at 4 blocks, habang na­kakuha siya ng sapat na suporta mula kina reigning MVP Majoy Baron, Desiree Cheng at May Luna na si­­yang pumalo ng game-win­ning hit.

“Target talaga namin makuha ‘yung top seeding and the twice-to-beat advantage kaya crucial ‘yung remaining two games na­min. Kailangan pa namin ng mas magandang laro,” wi­ka ni Dy.

Nalugmok naman ang Tigresses sa 4-9 rekord.

Humakot si Cherry Ann Rondina ng 23 points para sa UST.

Sa unang laro, nagbalik ang sigla ng National Uni­versity nang iselyo ang 26-24, 26-24, 25-20 panalo la­ban sa University of the East para makasiguro ng playoff sa huling semis slot.

Determinado si skipper Jaja Santiago na maisampa ang kanyang tropa sa se­mis matapos humataw ng 18 kills, 3 blocks at 1 ace para pamunuan ang rat­sada ng Lady Bulldogs na tumatag sa No. 4 spot ta­ngan ang 7-6 baraha.

Nakatuwang ni Santiago si Filipino-Japanese middle blocker Risa Sato na naglista ng 13 points mu­la sa 9 attacks, 2 blocks at 2 aces.

“Noong last game namin, zero ako, wala akong points kaya bumawi talaga ako ngayon. Masaya ako dahil nanalo kami ngayon,” sabi ni Sato para sa unang panalo ng Lady Bulldogs sa second round matapos lumasap ng limang sunod na kabiguan.

Show comments