MANILA, Philippines — Asahan ang mainit na pagtatagpo ng top seed Batangas Athletics at No. 4 seed Valenzuela habang maghaharap din ang third seed Muntinlupa kontra sa No. 7 seed Parañaque sa pagsisimula ngayon ng best-of-three semifinal series ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League-Anta Rajah Cup sa Batangas City Coliseum.
Haharapin ng host Batangas ang Valenzuela sa alas-9 ng gabi pagkatapos ng pagtutuos ng Parañaque at Muntinlupa sa alas-7 ng gabi.
Hindi pinagbigyan ng Batangas Athletics ang Bataan Defenders at tinapos agad ang kanilang best-of-three quarterfinals, 2-0 habang ang Valenzuela Classics ay nangailangan pa ng tatlong laro bago nadispatsa ang Quezon City Capitals, 2-1 sa kanilang serye noong Martes.
Sumunod agad ang Muntinlupa Cagers sa Final Four makaraang walisin ang serye kontra sa Navotas Clutch, 2-0 habang sinorpresa ng seventh seed Parañaque Patriots ang paborito at second seed Bulacan Kuyas, 77-70 upang agawin ang huling semis berth, 2-1.
Sa bilis ng Patriots hindi nakasabay ang Bulacan ni coach Chris Baluyot kaya nagawa ng Parañaque ang pinakamalaking upset win sa inaugural staging ng home and away league.