MANILA, Philippines — Bukod sa pagiging world super flyweight champion ay natupad din ang isa pang pangarap ni Jerwin Ancajas -- ang mapuntahan ang popular na Wild Card Boxing Gym ni Hall of Fame trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.
Lumaki ang mga mata at tumindig ang mga balahibo ng 25-anyos na si Ancajas nang makapasok sa nasabing pamosong boxing gym.
“I’m so happy and glad to have seen this. My dream has come true now,” wika ni Ancajas, sa kanyang pagdating sa Los Angeles Airport kamakalawa ay nagsikap na matuto ng salitang Ingles.
Ang Wild Card Gym ang naging tahanan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa ilalim ng paggiya ni Roach.
“I showed around where Manny got his start and I told him I call this 'the gym Manny built,'” sabi ni Roach sa tubong Panabo City, Davao del Norte na si Ancajas. “He's so excited. Real nice kid.”
Nakatakdang itaya ni Ancajas (28-1-1, 19 KOs) sa Linggo (Manila time) ang kanyang hawak na International Boxing Federation super flyweight crown kontra kay Mexican challenger Israel Gonzalez (21-1-0, 8 KOs) sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas.
Tanging sina Ancajas at IBF flyweight king Donnie ‘Ahas’ Nietes na lamang ang kasalukuyang mga world boxing champions ng bansa.
Idedepensa ni Ancajas ang kanyang IBF belt sa ikaapat na sunod na pagkakataon.
Nagmula si Ancajas sa six-round KO victory laban kay Irish Jamie Conlan noong Nobyembre sa Belfast, Ireland.
Nauna na niyang dinaig sina Jose Alfredo Rodriguez sa Macau at Teiru Kinoshita sa Brisbane, Australia kung saan natalo si Pacquiao laban kay Jeff Horn at naisuko ang suot na World Boxing Organization welterweight title noong Hulyo 2.
Inaasahang pupukaw ng atensyon si Ancajas sa ‘SuperFly 2' na magtatampok din sa mga world super flyweight champions.
Isang knockout win ang inaasahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions mula kay Ancajas.
“Jerwin is an action fighter who has Knockout power. I am anxious to see him perform in front of the fans at the American Bank Center in Corpus Christi and those that will be watching on ESPN,” sabi ni Arum kay Ancajas. "I first want to see what I've got.”