MANILA, Philippines — Sumandal ang AMA University sa kanilang balanseng scoring attack para talunin ang host squad na PATTS, 82-61 sa Sta. Lucia Land-NCRAA men’s basketball tournament sa PATTS College of Aeronautics Gym.
Umiskor si Daniel Salonga ng 20 points habang humakot si big man Owne Graham ng 18 points at 22 boards para sa ikalawang sunod na ratsada ng Titans sa torneong itinataguyod ng Sta. Lucia Land kasama ang official outfitter na LGR.
Nagtala rin ng mga panalo ang Philippine Merchant Maritime School, National College of Business Administration at La Salle-Dasmariñas.
Bumangon ang PMMS mula sa kanilang opening day loss para gibain ang Pamantasan Ng Lungsod Ng Muntinlupa, 89-73.
Nagpakawala ng 16-0 atake ang Mariners sa third period para makapasok sa win column.
Tinakasan naman ng NCBA ang Emilio Aguinaldo College-Cavite, 84-77 sa overtime.
Pinatumba naman ng De La Salle University-Dasmariñas ang University of Makati, 81-74 sa likod nina John Cantimbuhan at Pacholo Loor para sa kanilang 1-1 baraha.