Lady Blazers, Red Spikers sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines — Pinayuko ng College of Saint Benilde at San Beda College ang kani-kanilang karibal upang makisalo sa liderato sa NCAA Season 93 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kinailangan ng Lady Blazers ng malakas na puwersa sa huling tatlong sets para itakas ang 22-25, 23-25, 25-14, 25-13, 15-10 come-from-behind win laban sa Lyceum of the Philippines University.
Kumana si Klarisa Abriam ng 18 markers kasama ang 10 digs para pamunuan ang Lady Blazers sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Muli ring umariba si Rachel Anne Austero na may 16 puntos mula sa 11 attacks at limang blocks habang nagparamdam din si Marites Pablo na may 12 puntos at pitong receptions.
Nagdagdag naman sina team captain Ranya Musa ng 11, Diane Ventura at Pauline Cardiente na may pinagsamang 14 para sa Lady Blazers na nauna nang nanalo sa Colegio de San Juan de Letran sa iskor na 25-22, 25-11, 25-20 noong nakaraang linggo.
“Medyo slow yung start namin kaya nakakuha ng momentum yung Lyceum. Buti na lang hindi bumigay ang mga bata,” pahayag ni Lady Blazers head coach Arnold Laniog.
Nakagawa ang Lady Blazers ng 41 errors.
Masuwerte na lamang at nabawi nila ito sa attack line (53-34), blocking (6-3) at service area (13-9).
Nanguna naman para sa Lady Pirates si Elaine Juanilla tangan ang 14 puntos subalit hindi ito sapat para buhatin ang kanilang tropa sa unang panalo.
Bagsak sa 0-2 ang Lyceum.
Sa kabilang banda, sinakmal ng San Beda ang University of Perpetual Help System Dalta sa bendisyon ng 28-26, 25-18, 29-27 desisyon.
Makakasama ng Benilde at San Beda ang nagdedepensang Arellano University na may katulad na 2-0 baraha.
Sa men’s division, wagi ang Benilde sa Lyceum, 25-18, 25-22, 25-18 para manatili sa tuktok hawak ang 2-0 rekord.
Nakisalo sa selebrasyon ang College of Saint Benilde-La Salle Greenhills nang itala nito ang 25-23, 25-23, 15-25, 14-25, 15-9 panalo laban sa Lyceum sa juniors’ class.
- Latest