Tornadoes giniba ang soltones-less Oragons

MANILA, Philippines — Sa pagkawala ni ace player Grethcel Soltones, magaang pinataob ng nagdedepensang Foton   ang Iriga City, 25-10, 25-23, 25-19 kahapon upang ma­sungkit ang pang-apat sunod na panalo sa pagpatuloy ng 2017 Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Malaki ang epekto sa ipinataw na isang taong suspensiyon ng dating NCAA three-time MVP na si Soltones dahil lumambot ang depensa at opensa ng Oragons kaya umabot lamang sa 82 minuto para malasap ng Iriga City ang unang talo sa dalawang laban.

Si Soltones ay nasus­pindi ng isang taon at pinatawan ng mahigit P50,000 multa dahil sa paglabag sa One –League Policy ng siya ay naglaro sa kari­bal na Premier Volleyball League All-Star event noong Oktubre 29 sa parehong venue.

Ang tanging panalo pa lamang ng Oragons ay sa Sta. Lucia Lady Realtors, 15-25, 25-20, 25-22, 25-16, noong Oktubre 24.

Umiskor si Serbian import Sara Klisura ng 12 puntos kabilang na ang 10 mula sa atake habang 11 puntos naman kay Jaja Santiago, lima nito mula sa service aces para manatili sa solo liderato ang Tornadoes.

Tumulong din ng wa­long puntos at 18 excellent sets si Ivy Perez at pitong puntos naman ang naiambag ni Maika Ortiz para sa tropa ni coach Moro Branislav.

Sa ikalawang laro, nagwagi ang Cocolife laban sa University of Sto. Tomas, 25-19, 16-25, 25-17, 25-20 upang masungkit ang ikalawang panalo sa apat na laban.

Show comments