MANILA, Philippines — Handa ang Philippine Sports Commission (PSC) na ibuhos ang suporta sa mga atleta partikular na sa mga national sports association na may magandang rekord sa mga international competitions.
Isa ang track and field team sa posibleng makatanggap ng malaking tulong pinansiyal mula sa PSC dahil na rin sa magandang ipinamalas nito sa mga kumpetisyon sa abroad.
Ayon kay PSC chairman William Ramirez, ibabase nila ang suportang ibibigay sa isusumiteng ulat ng mga NSAs kabilang na rito ang nakalipas na performance sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tanggap naman ni Philippine Athletics Track and Field Association president Philip Juico ang bagong prosesong ipatutupad ng PSC.
“NSA budget should be dependent on performance. But that metric must be qualified to state that NSA performance is also dependent on the amount, quality and timeliness of financial and facilities support from the PSC,” wika ni Juico.
Mahigit 40 NSAs ang nakatakdang kausapin ng PSC para bigyan ng tsansang maipresinta at maipagtanggol ang kanilang budget proposal para sa 2018.
Kung hindi makapagdedeliber ang mga NSAs sa international competitions, posibleng tapyasan nito ang budget ng mga asosasyon.
“It's the overall environment of professionalism, sobriety and predictability and consistency of policies,” dagdag pa ni Juico.
Pinaghahandaan ng national team ang pagsabak sa 2018 Asian Games na idaraos sa Jakarta at Palembang sa Indonesia sa susunod na taon.
Matapos ang 2018 season, sunod na pagtutuunan ng pansin ng mga atleta ang 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa Pilipinas kasabay ng ilang qualifying tournament para naman sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
“The annual budget of the NSAs will not only depend on their corresponding programs but based on performance,” ani Ramirez.
Maliban sa athletics, posible ring makakuha ng malaking pondo ang boxing, billiards and snooker, gymnastics, judo, taekwondo at triathlon.
“These NSAs can expect bigger budgets because they have athletes that deliver,” ani Ramirez.