MANILA, Philippines — Umiskor ang Ateneo ng isang come-from-behind 3-2 victory laban sa De La Salle para ibulsa ang unang Final Four berth sa UAAP Season 80 men’s badminton playoff kahapon sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Sumandig ang Blue Eagles kina doubles pair Carlo Remo at Keoni Asuncion at kay deciding singles player Clarence Filart para sibakin ang Green Shuttlers’.
Papasok ang Ateneo sa unang step-ladder semifinals katapat ang No. 3 University of Santo Tomas ngayong alas-8 ng umaga.
Tinalo nina Remo at Asuncion sina Prince Monterubio at Michael Saragena, 21-18, 19-21, 21-18, sa ikalawang doubles para itabla ang Blue Eagles sa Green Shuttlers, 2-2.
Ang ikatlong tagumpay ng Ateneo ay ibinigay naman ni Filart nang kunin ang 14-21, 21-15, 21-17 panalo kontra kay Andrew Pineda.
Naipanalo ng La Salle ang dalawa sa kanilang tatlong laban kung saan dinaig ni Glenn Camillo si Remo, 21-17, 21-18, sa ikalawang singles at pinayukod nina Cayel Pajarillo at Jerrickson Oba-ob sa unang doubles sina Filart at Miguel Paña, 21-16, 21-10.
Pinatumba naman ni Asuncion, ang 2016 UAAP top rookie, si Pajarillo, 21-16, 21-11.
Umabante ang nagdedepensang National University sa title round matapos makumpleto ang six-game elimination round.