TAIPEI -- Kabi-kabilang kabiguan ang nalasap ng Team Philippines sa Day 4 ng 29th Summer Universiade kahapon dito.
Nabigo sina tennis players Marian Capadocia at Reisha Nillasca kina Lienke de Kock at Hellencia van Zyl ng South Africa, 0-6, 0-6, sa first round ng women’s doubles.
Nagmula si Capadocia sa 6-0, 6-0 panalo kay Kripa Sharma ng Nepal sa first round ng women’s singles.
Sumuko din ang men’s double nina Janeo Sanchez at Justin Villaluz kina Shintaro Imai at Kaito Uesugi, 0-6, 0-6, ng Japan.
Ito rin ang iskor na nalasap ni Sharyl de los Santos kay No. 12 seed Irina Tamialidon ng France sa women’s singles.
Hindi rin pinalad ang mga swimmers.
Pumang-apat si Isabella Olivares ng Philippine Swimming League (PSL) sa heats sa women’s 100m backstroke sa kanyang oras na 1:06.88.
Tumapos sa ikatlo si Alliah Saliendra ng Cebu sa qualifying heat ng women’s 200m individual medley sa kanyang 3:13.65.
Minalas din si Kobe Soquilon sa men’s 50m backstroke sa kanyang inilistang 33.70 para sa pang-limang silya.