MANILA, Philippines - Pagdating sa figure skating ay wala nang ibang ipanlalaban ang Pilipinas kundi si Michael Martinez.
Babanderahan ni Martinez, ang Winter Olympian, ang kampanya ng mga Filipino bets sa figure skating, speed skating at ice hockey para sa darating na 29th Southeast Asian Games sa Malaysia.
Makakatuwang ni Martinez sa pagpuntirya sa gintong medalya sa SEA Games sina figure skaters Jules Alpe, Samantha Cabiles at Alisson Perticheto, speed skater Kathryn Magno at ang Team Pilipinas ice hockey squad.
“Very excited to be going to the SEA Games alongside the hockey team and our figure skaters,” sabi ni Magno sa isang presscon ng SM Lifestyle Entertainment Inc.
“This is the first time to feature ice sports in the SEA Games so we’re working very hard to show what the Philippines can do,” dagdag pa nito.
Nagbulsa si Magno ng tatlong gold medals noong 2016 Tri Series South East Asia Cup sa Singapore at determinadong matumbasan ito sa Malaysia.
Kumuha naman ang Pinoy ice hockey team ng bronze medal sa Division 2 ng 2017 Asian Winter Games.
“We’re hoping for the best, hope we’re going to make the country proud upon our return,” sabi ni Francois Gautier.
Solidong suporta ang ipinangako ng SMLEI sa mga koponan sa pre-SEAG presscon na tinaguriang “Rise on Ice.”
Ang SMLEI ang tanging kumpanya sa Pilipinas na mayroong Olympic size ice rinks sa pamamagitan ng kanilang brand na “SM Skating.”
“It gives us great pleasure to see our country, much more our home-grown athletes, participate in such a well-renowned event,” ani SMLEI president Edgar Tejerero.