MANILA, Philippines - Target ng nagdedepensang Pocari Sweat na masungkit ang ikalawang sunod na panalo sa pakikipagtipan sa Perlas sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Matapos lumasap ng dalawang sunod na kabiguan ay nakabalik sa porma ang Lady Warriors nang iselyo ang 25-22, 25-14, 25-22 panalo laban sa Philippine Air Force Lady Jet Spikers noong Sabado upang makasampa sa win column.
Umaasa ang Pocari Sweat na maipagpapatuloy ang ratsada sa pagharap sa Perlas sa alas-4 ng hapon kasunod ang duwelo ng Power Smashers at Creamline sa alas-6:30 ng gabi.
Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto ang Pocari Sweat tangan ang 1-2 rekord, habang okupado ng Perlas ang No. 2 spot bitbit ang 2-1 kartada.
Ibabandera ng Lady Warriors si Myla Pablo, nagpasabog ng 23 puntos sa kanilang huling laro, kasama sina Elaine Kasilag, Maricar Nepomuceno, Jeanette Panaga at veteran setter Gyzelle Sy.
Nanggaling din sa panalo ang Perlas Lady Spikers.