Celtics uli sa game 2
BOSTON - Hindi man naipagdiwang ng kanyang kapatid ang ika-23 kaarawan ay binigyan pa rin ni point guard Isaiah Thomas ng regalo si Chyna.
Humataw si Thomas ng career-high 53 points para akayin ang Celtics sa 129-119 overtime win laban sa Washington Wizards at angkinin ang 2-0 kalamangan sa kanilang Eastern Conference semifinals series.
“My sister, everything I do is for her, and she’s watching over me,” wika ni Thomas.
Ginawa ni Thomas ang 20 points sa fourth quarter, habang ang 9 markers ay bahagi ng 15-2 ratsada ng Boston sa extra period.
Dadalhin ang Game Three sa Washington sa Huwebes.
Dumalo si Thomas sa libing ng kanyang 22-anyos na kapatid na si Chyna, namatay sa isang car accident, at natanggalan ng isang ngipin sa panalo ng Celtics sa Game One noong Linggo.
Ipagdiriwang sana ang kaarawan ng kanyang kapatid, nagtala si Thomas ng 18-of-33 fieldgoal shooting kasama ang 12-of-13 clip sa free throw line.
Warriors sa game 1
Sa Oakland, pinabagsak ng Golden State Warriors ang Utah Jazz, 106-94 sa likod ng 22 points ni Stephen Curry at tig-17 markers nina Draymond Green at Kevin Durant sa Game One ng kanilang Western Conference semifinals series.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 15 para sa Golden State na nanggaling sa pitong araw na pahinga matapos walisin ang Portland Trail Blazers sa kanilang first-round series.
Binuksan ng Warriors ang laro sa 9-0 bentahe bago ito pinalobo sa 58-46 sa halftime kung saan umiskor si Curry ng 16 points kasunod ang tig-10 markers nina Durant at Thompson sa first half.
Nakalapit ang Utah sa 73-84 agwat papunta sa fourth quarter, ngunit isang 8-0 ratake ang inilunsad ng Golden State sa pagsilip ng final period para selyuhan ang kanilang panalo.