Premier Volleyball League hahataw ngayon
MANILA, Philippines - Simula na ng matinding paluan sa paglarga ng Premier Volleyball League ngayong araw tampok ang salpukan ng anim na koponan sa The Arena sa San Juan City.
Inaabangan na ang Creamline na pamumunuan ni many-time conference league MVP at dating UAAP star Alyssa Valdez kasama sina Aerieal Patnongon, Coleen Bravo, James Suyat, Janet Serafica, Ivy Remulla, Pau Soriano, Joyce Palad, Aurea Racraquin at Jonalyn Ibisa.
Ang koponan ay hahawakan ni Thai coach Tai Bundit na sasandalan din sina imports Thai Kuttika Kaewpin at American Laura Schaudt.
Unang makakaharap ng Cool Smashers ang Perlas na binubuo ng dating manlalaro ng UP at Ateneo at mamanduhan nina Brazilian Rupia Inck at Japanese Naoko Hashimoto.
Nakatakda ang Creamline-Perlas game sa alas-6 ng gabi.
Kasama sa Perlas Lady Spikers sina Amy Ahomiro, Sue Roces, Dzi Gervacio, Ella de Jesus, Sasa Devanadera, Jem Ferrer, Kat Bersola, Nicole Tiamzon, Mae Tajima at Amanda Villanueva.
“The core of the squad has so much experience and we welcome the addition of Kat and Nicole, they will give this team energy,” ani Perlas coach Jerry Yee.
Naglaro si Hashimoto para sa powerhouse Bangkok Glass at dating miyembro ng Japan team na nakapilak noong 2013 Asian Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Lalarga rin ang duwelo ng BaliPure at Air Force sa alas-2 at Pocari Sweat Lady Warriors at Power Smashers sa alas-4.
Ang Purest Water Defenders ay lalarga kasama sina many-time NCAA MVP Grethcel Soltones, American import Jennifer Keddy at Thai spiker Jaroensri Bualee.
Tatapatan ito ng Jet Spikers nina Thai veteran Patcharee Sangmuang at local mainstays Joy Cases, Wendy Semana at Iari Yongco.
Nananatiling matikas ang Pocari sa kabila ng pagkawala ni Michele Gumabao dahil nariyan pa rin sina Myla Pablo, Melissa Gohing at Desiree Dadang at bagong reinforcements na sina Michelle Strizak at Edina Selimovic.
Pasok sa Power Smashers sina Hyapha Amporn, Kannika Thipachot, Jovielyn Prado, Katherine Villegas, Alina Bicar at Dimdim Pacres.