BaliPure palaban sa titulo sa pagbabalik ni Bualee

MANILA, Philippines - Magbabalik-aksiyon si Thai import Jaroensri Bualee sa pagkakataong ito kasama ang BaliPure sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na magsisimula bukas sa The Arena sa San Juan City.

Si Bualee ang pinakamaningning na import sa V-League matapos makalikom ng 13 awards kabilang ang anim na Best Sco­rer at dalawang Finals at Conference MVP titles.

Kaya naman hindi na nagdalawang-isip pa ang Purest Water Defenders na kunin ang serbisyo nito.

Masusubukan ang lakas ni Bualee sa pagsabak ng BaliPure sa Philippine Air Force Jet Spikers sa opening day ng 14th Sea­son ng liga.

Makakasama ni Bualee si American Jennifer Keddy na dating Cal Poly mainstay dahilan upang pa­nga­lanan ang Purest Water Defenders bilang isa sa mga team to beat sa kumperensiyang ito.

Gagabayan ang Bali- Pure ni multi-titled coach Roger Gorayeb.

Pasok sa lineup ng Bali- Pure sina three-time NCAA MVP Grethcel Soltones, National University standouts Jorelle Singh, Risa Sato, Aiko Urdas at Jasmine Nabor at beteranong libero na sina Alyssa Eroa ng San Sebastian College at dating Adamson stalwart Lizlee Ann Pantone.

Ang Jet Spikers naman ay umaasang makakabawi sa pagkakataong ito matapos ang runner-up finish laban sa Pocari Sweat Lady Warriors sa Open Conference noong nakaraang taon.

“Our advantage, if there’s any, is our expe­rience since we’ve been playing together for quite sometime and we know each other’s moves,” ani Air Force mentor Jasper Ji­menez.

Aasahan ng Jet Spikers sina Joy Cases, Wendy Se­mana, Iari Yongco, May Ann Pantino, Jocemer Tapic at Angel Antipuesto.

Magiging import ng Air Force si Thai veteran Patcharee Sangmuang ka­sama ang iba pang  locals na sina Camille Abanto, Mariel Legaspi, Gena Andaya at Mary Ann Balmaceda. 

 

Show comments