MANILA, Philippines - Ang komprontasyon nina Phoenix assistant coach Nic Belasco at import Shawn Taggart ng nagdedepensang Rain or Shine ay may katapat na multa.
Pinatawan ng PBA Commissioner's Office si Belasco ng multang P40,000 kung saan ang P30,000 at P10,000 dito ay dahil sa kanyang pakikipag-away kay Taggart at ang pagsisimula ng gulo, ayon sa pagkakasunod.
Si Taggart, dating import ng Globalport, ay pinagbayad naman ng P30,000 sa larong nangyari matapos ang come-from-behind 96-94 win ng Elasto Painters laban sa Fuel Masters noong Abril 17 sa Smart Araneta Coliseum.
Bagama't napatawan ng multa ay nakaligtas naman sina Belasco, dating PBA power forward at Taggart sa suspensyon mula kay PBA Commissioner Chito Narvasa.
Matapos ang panalo ng Rain or Shine sa Phoenix ay itinulak ni Belasco sa mukha si Taggart habang papunta ang dalawang koponan sa kani-kanilang mga dugouts.
Gumanti ng suntok ang import sa deputy coach bago naawat ng kanilang mga kakampi.
Sinasabing habang naglalaro ang Elasto Painters at Fuel Masters ay nagkakasagutan na sina Taggart at Belasco.