Mahindra may bagong import vs Star
MANILA, Philippines - Para palakasin ang kanilang tsansa ay kumuha ng bagong import ang Mahindra matapos sibakin si James White.
Ipaparada ng Floodbuster si Keith Wright sa kanilang pagsagupa sa Star Hotshots ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Ginebra Gin Kings at Globalport Batang Pier sa alas-7 ng gabi sa 2017 PBA Commisisoner's Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang tangan ng Mahindra ang 1-3 record, samantalang dala ng Star ang malinis na 3-0 kartada at tatargetin ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada.
Ang 6-foot-8 at 240 pounds na si Wright ay naglaro para sa Austin Spurs at Westchester Knicks sa NBA Developmental League at kumampanya rin sa mga liga sa Poland at Sweden.
Naging kakampi ng 27-anyos na si Wright, isang undrafted player noong 2012 NBA Draft, si Asian star Jeremy Lin sa Harvard University.
“We understand what's at stake for this game. It's highly competitive in the league right now and it's important to stay in stride with everyone else,” sabi ni Floodbuster head coach Chris Gavina.
Pinalitan ni Gavina si White sa kabila ng itinalang averages na 30.5 points, 18.5 rebounds at league-high na 2.5 blocks para sa Mahindra, nagmula sa 92-99 kabiguan sa Alaska sa kanilang huling laro.
Umiskor naman ang Star ng dramatikong 105-103 pagtakas noong Biyernes laban sa NLEX kung saan isinalpak ni rookie guard Jio Jalalon ang buzzer-beating basket.
Samantala, inaasahan na ni veteran guard Ronalds Tubid ng San Miguel ang kaparusahang ipapataw sa kanya ng PBA Commissioner’s Office.
Isang two-game suspensyon at multang P30,000 ang ipinataw sa 35-anyos na si Tubid matapos ang kanyang ‘closed fist’ sa mukha ni 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome ng Meralco sa kanilang laro noong Linggo.
Nangyari ang insidente sa isang rebound play sa pagitan nina Tubid at Newsome sa 9:12 minuto ng 4th quarter.
- Latest