18-taong Phl record winasak ni Belibestre

MANILA, Philippines -  Nagningning si Jerry Belibestre ng University of Negros Occidental-Recoletos nang wasakin nito ang 18-taong national record sa boys’ long jump kahapon sa 2017 Ayala-National Open Invitational Athletics Championships na ginaganap sa Ilagan Sports Complex sa Isabela.

Nagtala ang 18-anyos na si Belibestre ng 7.43 metro distansiya para burahin ang 7.41m ni Joebert De­licano na nakuha sa Arafura Games sa Darwin, Australia.

Naungusan ni Belibestre sina silver medalist Jericho Hilario ng San Beda College na may 6.82m at bronze winner Jhaelord Adriano ng Isabela State University na nagsumite ng 6.80m.

“Satisfied naman  ako sa performance ko kahit hindi ko nakuha yung perso­nal best ko at least nakuha ko yung record,” wika ni Belibestre na third year education student.

Nagkasya naman sa pilak si Janry Ubas sa men’s long jump nang lumundag ito ng 7.52m sa likod ni Sri Lankan Amila Jayasiri  Wijayalath Pedige na may 7.83m.

Pumangatlo si Julian Reem Fuentes.

“Part lang ng training ko yung pagsali ko rito sa long jump dahil sa decathlon ang focus ko. Pero open naman ako sa pagsali sa long jump (sa SEA Games) kung gusto ng association” wika ni Ubas.

Nagparamdam din ng lakas si Philippine Air Force bet Julius Sermona matapos pagharian ang men’s 10,000m run sa bilis na 33 minuto at 29.78 segundo.

Tinalo nito sina Gilbert Laido ng Lucena City (33:32.82) at dating SEA Games champion Eduardo Buenavista (33:43.29).

Namayagpag naman si La Salle standout Daniella Daynata sa girls’ shotput sa pamamagitan ng 11.04m na naitala nito gayundin si Lai Yen Hei ng Hong Kong na nanguna naman sa girls’ high jump (1.74m).

Samantala, matagum­pay na naidepensa ni  Ma­restella Torres-Sunang ang kanyang  ginto sa women’s long jump sa pagtalon ng 6.14m  kung saan naungusan nito sina Kat Santos na may 6.01m at Clarice Ancheta ng Isabela State U’s na may 4.25m. - CCo

 

Show comments