Pocari Sweat palalakasin ng Bosnian middle blocker

MANILA, Philippines -  Asahan ang mas mabangis na Pocari Sweat dahil kinuha nito si Bosnian middle blocker Edina Selimovic bilang import sa Philippine V-League 14th Season Reinforced Conference na nakatakdang magsimula sa Mayo.

Dumating na sa bansa ang 6-foot-3 power-hitter na si Selimovic na dating miyembro ng Little Rock Trojans.

Umaasa si team manager Eric Ty na mabilis na makakaagapay si Selimovic sa klima ng bansa gayundin sa sistema ng Lady Warriors. 

Target ng Pocari na maipagtanggol ang kanilang kampeonato sa Reinforced Conference.

Magugunitang nasungkit ng Lady Warriors ang titulo sa naturang kumperensiya kasama ang American imports na sina Breanna Lee Mackie at Andrea Kaycsits.

Inaasahang sunod na darating sa bansa ang isa pang American import ng Lady Warriors na siyang makakatuwang ni Selimovic.

Nawala sa Lady Warriors si Michele Gumabao ngunit nakuha naman nito sina dating NCAA Finals MVP Jaenette Panaga ng College of St. Benilde, Jessie de Leon ng UST at Fille Cainglet-Cayetano ng Ateneo.

Raratsada para sa Pocari si Myla Pablo na lumagda ng limang taong kontrata sa kumpanya habang nasa tropa pa rin sina Elaine Kasilag, Desiree Dadang, libero Melissa Gohing setter Gizelle Sy.

Hindi maglalaro sa pagkakataong ito si Fil-Am setter Iris Tolenada na kamakailan ay itinalagang coach ng isang eskwelahan sa Amerika.

Gagabayan ang Pocari ni Rommel Abella na siyang nagbigay sa Lady Warriors ng dalawang titulo sa liga.

Limang koponan na ang kumpirmadong lalahok sa edisyong ito ng naturang liga.

 

Show comments