‘Suicidal tendency’

‘‘BER’’ months hanggang sa katapusan ng Pebrero­ mataas ang suicidal rate ayon sa mga dalubha­sang psychiatrist. Dala nang matinding depresyon at kalungkutan marami ang nagpapakamatay. Karaniwan itong  nararamdaman ng mga malalayo sa kanilang mga mahal sa buhay.  

Bagamat walang eksaktong bilang ang mga awtoridad ng mga nagsu-suicide, ito ang panahong itinutu­ring  nilang kritikal dahil sa mga okasyon na ipinagdiriwang.

Sa pag-aaral ng Philippine Psychiatric Association­, millennials ang mataas ang suicidal tendency­. Edad 15 hanggang 24, parehong babae at lalaki.

Maraming sintomas ang mga gustong mag-suicide. Pero ang pinaka-delikado raw mga lalaki. Mas mapanganib raw kasi ang kanilang pamamaraan ng pagkitil ng buhay. Kumpara sa mga kababaihan, lalaki ang kadalasang gumagamit ng baril at patalim o pagtalon sa matataas na gusali.

Payo ng mga dalubhasang doktor, dapat pagtuunan ng atensiyon ang bawat ikinikilos ng mga kasama sa bahay, kaibigan at katrabaho. Malaki ang maitutulong ng pagpapayo at pagkausap sa sinumang nalulungkot at depressed individuals dahil maaaring maagapan at mapigilan ang kanilang pagpapakamatay.

Pinaalalahanan ng BITAG ang publiko, maging mausisa sa biglaang pagbabago ng ugali at mga ikinikilos ng ilan sa mga miyembro ng inyong pamilya, ka­ibigan at kasamahan. Kapag nakikitang matamlay at hindi pangkaraniwan ang kanilang ikinikilos, kausapin sila at payuhan upang hindi mahantong sa pagkitil ng sarili nilang buhay.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.

Show comments