CLEVELAND - Kinontrol ng Cavaliers ang laro matapos kumamada sa second quarter at napigilan ang pagtiklop sa third quarter para kunin ang 119-104 panalo laban sa New York Knicks.
Nagbida sina Kyrie Irving at Kyle Korver sa first half para sa Cavaliers na umiskor ng 35 points sa second period kumpara sa 18 markers ng Knicks.
Nagpilit makabangon ang Knicks nang humataw ng 28 points sa third quarter para makadikit sa 79-87 agwat.
Tumapos si Irving na may 23 points mula sa 9 of 16 fieldgoal shooting, samantalang nagdagdag si Korver ng 20 markers tampok ang anim na three-point shots.
Humakot naman si LeBron James ng triple-double sa kanyang 18 points, 15 assists at 13 rebounds para sa pang-apat na sunod na ratsada ng Cleveland.
Ito ang pang-anim na triple-double ni James ngayong season at ika-48 sa kanyang NBA career.
Nag-ambag sina Channing Frye at Richard Jefferson ng tig-14 points para sa ika-40 panalo ng Cavaliers sa 56 games.
Sa Oakland, humugot si Stephen Curry ng 17 sa kanyang 35 points at nagtala ng 7 rebounds, 5 assists at 4 steals para banderahan ang Golden State Warriors sa 123-113 panalo kontra sa Los Angeles Clippers.
Ang four-point play ni Curry sa huling 30.7 segundo at buzzer-beating na three-pointer sa third period ang nakatulong sa Warriors na makabangon mula sa 49-61 agwat sa halftime.
Ang 50-point quarter ng Warriors ang kauna-unahan matapos kumamada ang Los Angeles Lakers ng 51 markers laban sa Knicks noong March 25, 2014.