Laro Ngayon (Ynares Sports Arena, Pasig City)
11 a.m. - Batangas vs Cignal
1 p.m. - Victoria Sports vs AMA
MANILA, Philippines - Pakay ng Cignal-San Beda College na makisalo sa ikalawang puwesto sa pakikipagtipan sa Batangas ngayong umaga sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants' Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Makakasagupa ng Cignal-San Beda ang Batangas sa alas-11 habang magpapang-abot ang AMA Online Education at Victoria Sports sa ala-una ng hapon.
Nasa ikaapat ang Hawkeyes tangan ang 2-1 marka habang nangunguna ang Racal na may malinis na 4-0 baraha kasunod sa ikalawa ang Café Fance at Tanduay na may magkatulad na 3-1 rekord.
“We know that we're facing experienced teams and experienced players here so what we want is for the boys to learn from that and be mature as we go along,” ani Cignal-San Beda coach Boyet Fernandez.
Nais naman ng Batangueños na makabangon mula sa 1-3 pagkakalugmok.
Sa kabilang banda, umaasa ang AMA na madugtungan ang kanilang 69-61 pananaig sa Jose Rizal University.
“Kailangan tuluy-tuloy lang ang ensayo namin dahil alam naming di na kami pwede matalo sa remaining games namin,” wika ni AMA coach Mark Herrera.
Wala nang puwang ang kabiguan para sa Titans kung nais nitong makahirit ng awtomatikong tiket sa semis.
Kaya naman inaasahang magbubuhos ng lakas ang Titans sa kanilang mga huling laro sa pangunguna ni leading MVP contender Jeron Teng kasama sina Juami Tiongson, Jay-R Taganas at Gino Jumao-as.