Pagnanawon umeksena sa Stage 5

PILI, Camarines Sur, Philippines - Ang mga batikang siklista ang namayagpag sa unang apat na yugto ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.

Ngunit kahapon ay nagparamdam si Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme ng kanyang presensya matapos banderahan ang Stage Five-251-kilometer na sinimulan sa Lucena, Quezon at nagtapos dito sa Camsur Watersports Complex.

Nagsumite ang 28-an­yos na si Pagnanawon ng bilis na anim na oras, 58 minuto at 13 segundo para ungusan sa finish line si Daniel Ven Carino (6:58:13) ng Navy-Standard Insu­rance at sina Leonel Dimaano (6:58:15) ng RC Cola-NCR, Lord Anthony Del Rosario (6:59:11) ng Kinetix Lab-Army, Elmer Navarro (6:59:13) ng Go for Gold, Stage One winner Ronald Lomotos (6:59:14) ng Navy, Stage Four king Cris Joven (6:59:20) ng Army, Bryant Sepnio (6:59:20) ng Go for Gold, Jemico Brioso (6:59:28) ng Team Ilocos Sur at Lloyd Lucien Reynante (6:59:30) ng  Navy.

“Nagsama-sama sa peloton ‘yung mga Top 10 at mga teams at ako lang sa team ko ang naiwan sa likuran,” sabi ni Pagnanawon, anak ni Rolando Pagnanawon na nagkampeon noong 1986 Tour. “Noong nakawala ako sa last 30 (kilometers) tinuluy-tuloy ko na hanggang sa finish line.”

Bagama’t hindi napasama sa Top 10 ay nanatili namang hawak ni Rudy Roque ng Navy ang liderato ng overall individual classification sa kanyang 18:12:48 kasunod sina Lomotos (18:13:47), Carino (18:14:43), Stage Two at Three winner Jan Paul Morales (18:15:51) ng Navy, Joven (18:16:08), Navarro (18:17:57), Dimaano (18:18:01), Ismael Grospe (18:19:02) ng Go for Gold, Del Rosario (18:19:44) at Jonel Carcueva (18:20:33) ng Go for Gold.

Lumayo naman ang Navy (72:48:47) ng 20 minuto at 55 segundo at 32 minuto at 54 segundo sa Go for Gold (73:09:42) at Kinetix Lab-Army (73:21:41) sa overall team classification ng 14-stage event na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.

Show comments