MANILA, Philippines – Nagkasya sa runner-up trophy si Filipino-Canadian Alex Pagulayan matapos matalo kay Billy Thorpe ng Amerika sa finals ng Derby City Classic One-Pocket Championship na ginaganap sa Horseshoe Southern Indiana sa Elizabeth, Indiana sa USA.
Naitala ng Amerikano ang 3-1 panalo laban kay Pagulayan sa kanilang championship game upang maibulsa ang $16,000 premyo. Nagkasya naman ang two-time champion na si Pagulayan sa $8,000 konsolasyon.
Umusad sa finals si Pagulayan matapos payukuin ang kababayang si Dennis Orcollo sa semifinals.
Sa Derby City Classic 9-Ball Pool Championship, buhay pa ang pag-asa nina Orcollo, legendary cue master Efren ‘Bata’ Reyes, Carlo Biado at Ramon Mistica na umusad sa eighth round.
Makakasagupa ni Orcollo si Tomoo Takano ng Japan habang titipanin ni Reyes si Shane Van Boening ng Amerika.
Lalarga naman si Biado laban kay Lo Li-Wen ng Chinese Taipei at si Mistica kontra sa Amerikanong si Donny Mills.
Magtutuos sa hiwalay na bakbakan sa eighth round sina Enrique Rojas at Jayson Shaw, Darren Appleton at Dennis Hatch, Ruslan Chinakov at Martin Daigle, Damianos Giallourakis at Fedor Gorst, Justin Hall at Eklent Kaci, Alexandros Kazakis at Shaun Wilkie, at Chris Melling at Thorpe.
Bigong umabante sina dating World 9-Ball champion Francisco Bustamante, Johann Chua, Lee Vann Corteza, 2015 Derby City Classic 9-Ball Pool champion Warren Kiamco, Ramil Gallego at Pagulayan.
Sa Derby City Classic Straight Pool Challenge, pasok sa quarterfinals sina Orcollo at Pagulayan matapos magtala ng 215 runs at 197 runs, ayon sa pagkakasunod.
Makakalaban ng dalawa sina Melling (225), Shaw (175), Appleton (154), Lo (141), Johnny Archer (182) at Mika Immonen (146).