MANILA, Philippines – Nalusutan ni top seed Janus Ringia si Jules Lazaro, 6-2, 2-6, 12-0 upang masikwat ang tiket sa semis ng boys’ 18-under division sa 28th Andrada Cup Junior Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Titipanin ni Ringia sa susunod na yugto si No. 7 Jake Martin na sinorpresa si third seed Gabriel Tiamson sa pamamagitan ng 7-6 (2), 6-3 panalo.
Umabante rin sa semis si fifth seed Emmanuel Fuellas nang pulbusin nito si Sam Mamaril, 6-0, 6-0. Makakasagupa ni Fuellas ang magwawagi sa pagitan nina No. 4 Jeremiah Macias III at Aljohn Talatayod.
Sa 16-under category, nagmartsa sa semis si second seed Marcus del Rosario na tinalo si No. 7 Athan Arejola, 6-2, 6-2, gayundin si third seed Jose Antonio Tria na namayani kay No. 8 Jules Lazaro, 6-1, 6-2.
Pinangunahan naman ni top seed Gennifer Pagente ng Cagayan de Oro City ang mga semifinalists sa girls’ 18-under at 16-under categories.
Sa 18-under division, pinayuko ni Pagente si Lila Salvacion, 6-0, 6-0 para makaharap si Rafa Villanueva na awtomatikong pumasok sa semis via walkover.
Nakahirit din ng semis slots sina Crystal Mildwaters at Bea Gomez.
Sa16-under class, dinispatsa ni Pagente si No. 8 Justine Maneja, 6-4, 6-1, para lumarga sa semis laban kay No. 3 Micaella Vicencio na may 6-0, 6-1 panalo kay Patricia Lim.
Magtutuos sa hiwalay na semis match sina No. 5 Macie Carlos, na nagtala ng 2-6, 6-4, 10-3 panalo kay Miles Vitaliano at Crystal Mildwaters, na umiskor naman ng 6-0, 6-0 demolisyon laban kay Bettina Catoto.
Sa boys’ 14-under, pinasadsad ni No. 1 John David Velez si No. 5 Jan Harold Trillanes, 6-1, 6-3 upang makaharap si John Allen Rombawa sa semifinals.