Gonzales babawian si Sermona sa rematch
MANILA, Philippines – Muling magpapalitan ng suntok sina Roberto ‘‘Bad Boy from Batangas’’ Gonzales at Ryan ‘‘Crusher’’ Sermona sa kanilang rematch sa Sabado sa Agoncillo covered court sa Agoncillo, Batangas.
Nauna nang pinabagsak ni Sermona (19-8-0, 12 KOs) si Gonzales sa kanilang unang pagtutuos noong 2012 sa Puerto Galera.
Kumpiyansa naman ang pambato ng Touch Gloves Boxing Gym na si Gonzales na makababawi siya lalo’t gagawin sa harap ng kanyang mga taga-suporta ang boksingan.
‘‘Hindi ko po bibiguin ang mga kababayan ko. Natuto na po ako sa aking pagkakamali sa una naming laban,’’ sabi ni Gonzalez, kasalukuyang sumasakay sa seven-fight winning streak matapos matalo kay Sermona na tinampukan ng pagpapatulog kay Arjan Canillas ng ALA Gym para makuha ang Philippine lightweight title noong Marso sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
‘‘Magandang laban ito para kay Gonzales bago sumabak sa mas malalaking internasyonal laban,’’ sabi ni sportsman Elmer Anuran, nag-organisa ng nasabing laban.
Si Anuran ang pangulo ng Saved by the Bell Promotions.
Aminado si Gonzales hindi madaling bawian si Sermona, tubong Himamaylan City, Negros Occidental.
Huling lumaban si Sermona sa SMX Pasay City noong Setyembre kung saan niya pinatumba ang beteranong si Ronald Pastrano.
Lumaban na rin ang 29-anyos na si Sermona sa Japan, Russia, Australia, Romania at Korea.
Samantala, mapapanood din ang sapakan nina Al Sabaupan at Jheritz Chavez at iba pang magandang laban.
- Latest