MANILA, Philippines – Sadyang mahirap kalimutan ang isang mapait na kabiguan.
Kinuwestiyon kahapon ni dating WBO superbantamweight champion Nonito Donaire Jr. ang naging hatol ng mga judges sa kanyang kabiguan kay Jessie Magdaleno sa kanilang 12-round title fight nila noong Nobyembre 6 sa Las Vegas.
Pinaboran ng tatlong judges si Magdaleno sa naturang laban nila ni Donaire, dumating sa bansa noong Lunes kasama ang asawang si Rachel at kaagad bumalik sa kanilang tahanan sa Las Vegas.
Binigyan nina judges Burt Clements at Steve Weisfeld si Magdaleno ng parehong 116-112 points, habang iniskoran naman ni Adalaide Byrd ang laban sa 118-110.
“It’s why some people think boxing is dying,” wika ni Donaire, kinuha ang mga world titles sa limang weight divisions.
Ibinigay ni Byrd ang unang siyam na round para kay Magdaleno at pinaboran lamang si Donaire sa 10th at 12th.
Ito rin ang naging scorecard sa kabiguan ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather noong nakaraang taon matapos iskoran nina Clements at Glenn Feldman ng magkatulad na 116-112 ang nasabing laban at 118-110 mula kay Dave Moretti.
Sinabi ni Donaire na kung hindi siya sumugod ay magiging ‘boring’ ang kanilang laban ni Magdaleno.
Ayon pa kay Donaire, nagpilit si Magdaleno na puntahan siya sa kanyang dressing room matapos ang kanilang laban. Ngunit hindi ito nangyari.
Nagkaroon si Donaire ng tatlong sugat sa sulok ng kanyang kanang mata bunga ng headbutts kay Magdaleno.