MANILA, Philippines – Ilang araw bago ang pagbubukas ng 42nd season ng PBA ay patuloy pa rin ang pagkilos ng mga players para makahanap ng kani-kanilang koponan.
Ilan dito ay sina small forward Nico Salva, shooting guard Ronjay Buenafe at big guard Dylan Ababou.
Ibinigay ng Barangay Ginebra ang 6-foot-4 na si Salva sa Mahindra kapalit ng isang future second-round draft pick.
Nauna nang binalak ng Gin Kings na dalhin ang dating Ateneo Blue Eagle sa Meralco Bolts kung saan niya maaaring makasama sina dating Ateneo coach Norman Black, team manager Paolo Trillo at mga dating Blue Eagles na sina 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome, Rabeh Al-Hussaini at Justin Chua.
Subalit hindi inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Narvasa ang naturang trade para kay Salva.
Pumirma si Salva ng one-year contract para sa Floodbusters, nauna nang pinakawalan sina Niño Canaleta at Aldrech Ramos sa pamamagitan ng trade, nina playing coach Manny Pacquiao at assistant Chris Gavina.
Maglalaro naman ang 10-year veteran shooting guard na si Buenafe para sa Blackwater makaraang ilaglag ng Phoenix, samantalang dinala ng TNT Katropa si guard Dylan Ababou sa Blackwater para makuha si Frank Golla.
Samantala, inilunsad ng PBA ang kanilang official app na nilikha ng Appefize.
Ang PBA app ang magbibigay sa mga fans ng access sa mga resulta ng laro, balita, statistics, standings at player profiles.
“This is a good start,” sabi ni PBA chairman Mikee Romero ng Globalport. “(The PBA) has to be very interactive before or after the game. Talagang kailangan, it is a lifestyle.”
Mada-download ang PBA app sa App Store at Google Play.