OAKLAND, California-- Nagsalpak si Klay Thompson ng dalawang mahalagang three-point shots at tumapos na may season-high 30 points para tulungan ang Golden State Warriors sa 133-120 paggiba sa Phoenix Suns.
Umiskor din si Stephen Curry ng 30 points kasama ang limang tres para sa Warriors, pinilit na maiwasan ang ikalawang sunod na home loss ngayong season. Nagdagdag si Kevin Durant ng 29 points para sa Warriors.
Pinamunuan naman nina Eric Bledsoe at T.J. Warren ang Suns sa kanilang tig-20 points.
Sa Cleveland, pinamunuan ni LeBron James ang fourth-quarter comeback ng Cavaliers para talunin ang Charlotte Hornets, 100-93.
Humugot si James ng 11 points sa final canto matapos maglista ng 4-of-15 shooting sa unang tatlong quarters.
Nagtala si Channing Frye ng season-high 20 kasunod ang 19 ni James para sa Cavaliers, iniupo sina Kyrie Irving at Kevin Love sa bench sa fourth quarter matapos ibabad ni coach Tyronn Lue ang grupong nagbigay sa Cleveland ng kontrol sa laro.
Sa Oklahoma City, tumipa si Serge Ibaka ng basket sa huling segundo para igiya ang Orlando Magic sa 119-117 panalo laban sa dati niyang koponang Thunder.
Tumapos si Ibaka na may career-high 31 points, tampok ang naturang game winner.
Tabla ang iskor sa 117-117 sa huling minuto ng laro, naimintis ni Russell Westbrook ang kanyang jump shot sa panig ng Oklahoma City na nagbigay sa Orlando ng pagkakataon na tumawag ng timeout sa huling 11 segundo.
Ito ay nagresulta sa basket ni Ibaka sa natitirang 0.4 segundo para sa panalo ng Magic.