MANILA, Philippines - Mabilis na nasawata ng Pocari Sweat ang ilang pagtatangka ng Bureau of Customs tungo sa 25-14, 25-10, 22-25, 25-23 panalo upang angkinin ang korona ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Matikas na nasandalan ng Lady Warriors si American open hitter Breanna Lee Mackie kalakip ang matatag na suporta mula kina middle blocker Andrea Kay Kacsits, Myla Pablo, Elaine Kasilag at skipper Michele Gumabao para pigilan ang Transformers.
Naiselyo ng Lady Warriors ang matamis na sweep sa best-of-three championship series kung saan namayani rin ito sa Game 1 sa iskor na 25-22, 25-18, 25-18.
Ito ang ikalawang kampeonato ng Pocari sa liga matapos pagreynahan ang Open Conference.
Nauna rito, muling binuhusan ng BaliPure ng malamig na 25-23, 25-19, 25-11 desisyon ang University of Santo Tomas upang pormal na masikwat ang third place trophy.
Hindi maawat si American Import Katherine Morrell na nagpasabog ng 24 puntos kasama ang 22 attacks habang nagtulong sina Dzi Gervacio at Amy Ahomiro sa pagkolekta ng 16 puntos para hatakin ang Purest Water Defenders sa panalo.
Tinapos ng BaliPure ang best-of-three battle-for-bronze series tangan ang 2-0 rekord.
Una nang naitala ng Water Defenders ang 19-25, 25-16, 25-18, 25-18 panalo sa Game 1 noong Sabado.
Ito ang ikalawang sunod na bronze medal finish ng BaliPure matapos makuha ang parehong puwesto sa Open Conference.
Sa kabila ng kabiguan, malaking tulong ang kampanya ng UST sa liga upang maihanda ito bago sumabak sa UAAP Season 79 volleyball tournament sa Enero.
Samantala, napasakamay ni Bureau of Customs skipper Alyssa Valdez ang ikatlong Conference MVP award.
Nahablot din ni Valdez ang First Best Outside Spiker award habang si Laure ang ginawaran ng Second Best Outside Spiker.
Itinanghal si Denden Lazaro bilang Best Libero samantalang si Pocari Fil-Am playmaker Iris Tonelada ang Best Setter.
Ang iba pang awardees ay sina Ria Meneses ng UST (First Best Middle Blocker), Lilet Mabbayad ng Customs (Second Best Middle Blocker), Pocari skipper Michele Gumabao (Best Opposite Spiker) at Pocari reinforcement Breanna Mackie (Best Foreign Guest Player).