MANILA, Philippines - Sasambulat ngayong hapon ang inaabangang salpukan ng nangungunang Petron at nagdedepensang Foton sa pagpapatuloy ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.
Aarangkada ang pukpukan ng Tri-Activ Spiker at Tornadoes sa alas-5 habang masisilayan sa unang laro ang Generika at Cignal sa alas-3 ng hapon gayundin ang duwelo ng F2 Logistics at RC Cola-Army sa alas-7 ng gabi.
Tangan ang malinis na 4-0 rekord, pakay ng Petron na mawalis ang eliminasyon habang nais naman ng Foton na mapanatili rin ang imakuladang 3-0 baraha.
Maganda ang takbo ng Petron na dinadala nina American imports Stephanie Niemer at Serena Warner kasama pa ang solidong suporta mula sa locals na sina Frances Molina at Jen Reyes na tunay na nakakuha ng magandang karanasan sa FIVB World Women’s Club Championship kamakailan.
“They (imports) fit our system perfectly. But we can’t be complacent. We have to sustain our effort and remain consistent if we want to go far. Other teams are also strong. We expect them to come up with a good fight,” ani Petron coach Shaq Delos Santos.
Umaariba rin sina Aiza Maizo-Pontillas, Cherry Nunag at CJ Rosario gayundin ang bagong recruit na setter na si April Ross Hingpit.
Ngunit haharap ang Foton nang wala si Jaja Santiago na kasama ng National University sa training camp sa Japan.
Kaya naman inaasahang doble kayod ang gagawin nina imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher gayundin nina Angeli Araneta at Maika Ortiz.
Umaasa rin si Branislav na mataas na ang laro ni Dindin Manabat na siyang posibleng pumuno sa bakanteng puwesto ni Santiago.
Ang magkakampeon sa Grand Prix ang siyang kakatawan sa Pilipinas sa AVC Asian Women’s Club Championship na gaganapin sa Chinese Taipei sa susunod na taon.