MANILA, Philippines - Nalusutan ng Pocari Sweat ang bangis ng University of Santo Tomas sa Game 2 sa pamamagitan ng 25-17, 24-26, 26-24, 25-27, 15-8 desisyon upang masiguro ang tiket sa finals ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Naglabas ng sariling pangil si American import Breanna Lee Mackie nang humataw ito ng 35 puntos mula sa 32 attacks, dalawang aces at isang block para bitbitin ang Lady Warriors sa ikalawang finals appearance sa liga.
Malakas na suporta ang ibinigay ni Open Conference Finals MVP Myla Pablo na kumana ng 11 puntos gayundin sina skipper Michele Gumabao at reserve open spiker Elaine Kasilag na may tig-walong puntos para sa Pocari.
“We have to work hard kung gusto talaga naming manalo. Kailangan talaga tulung-tulong kami, hindi kami pwedeng umasa lang sa imports namin. And I’m happy that we did it again. We’re back in the finals pero kailangan pa naming mas magpursige para makuha ulit namin (yung title),” wika ni Gumabao.
Gumawa rin sina middle blockers Andrea Kacsits at Desiree Dadang na naglista ng tig-pitong puntos samantalang may 38 excellent sets si playmaker Iris Tolenada kasama pa ang anim na puntos tampok ang tatlong aces.
Tinapos ng Lady Warriors ang best-of-three semifinals sa 2-0 matapos kubrahin ang 25-16, 25-18, 25-22 panalo sa Game 1 noong Sabado.
Nanguna para sa Tigresses si EJ Laure na tumipa ng 24 puntos habang nagdagdag si Cherry Ann Rondina ng 17 puntos at 11 galing kay Ria Meneses.
Nakagawa ang UST ng 12 blocks at 10 aces gayundin ang depensa nito nang bumuo ng 74 digs at 55 receptions.
Subalit dinomina ng Pocari ang attack line nang ibaon nito ang 64 kills laban sa 48 lamang ng Tigresses.
Sa Spikers’ Turf, naisaayos ng Cignal at Philippine Air Force ang kanilang paghaharap sa finals matapos walisin ang kani-kaniyang karibal sa semis.
Pinataob ng Cignal ang Champion Supra, 25-20, 25-19, 25-20, habang nanaig ang Air Force laban sa Instituto Estetico Manila, 23-25, 25-16, 25-12, 25-17.