MANILA, Philippines – Target ng Pocari Sweat at BaliPure na maipormalisa ang kanilang paghaharap sa finals sa pagsambulat ng Game 2 ng kani-kanilang Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference best-of-three semifinals series ngayong hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Makakatipan ng Lady Warriors ang University of Santo Tomas sa alas-4 kasunod ang engkuwentro ng Water Defenders at Bureau of Customs sa alas-6 ng gabi.
Parehong nahawakan ng Pocari at BaliPure ang 1-0 bentahe sa kani-kanilang serye matapos magtala ng impresibong panalo sa Game 1 noong Sabado.
Mabilis na napaamo ng Lady Warriors ang Tigresses, 25-16, 25-18, 25-22, sa likod ng magarbong laro ni American import Breanna Lee Mackie na humataw ng 17 attacks at 2 blocks.
Suportado ito nina middle blocker Andrea Kacsits at opposite spiker Michele Gumabao na nagpako ng tig-10 puntos gayundin nina dating National University standouts Myla Pablo at Desiree Dadang na may pinagsamang 15 puntos.
Ito ang parehong kumbinasyong gagamitin ni Pocari Sweat mentor Rommel Abella upang makabalik sa finals at makalapit sa inaasam na ikalawang korona matapos pagreynahan ang Open Conference.
“Sana maipagpatuloy namin ang magandang laro namin sa Game 2. Wala kami masyadong adjustments na kailangang gawin dahil maganda ang reception namin kaya maganda rin ang execution ng plays namin,” wika ni Abella.
Subalit gagawin ng UST ang lahat upang maipuwersa ang ‘do-or-die’ game partikular na sina Cherry Ann Rondina at EJ Laure na kinapitan na ng ‘never-say-die attitude’.
Nagbalik na ang tikas ni Rondina ngunit hirap itong makalusot sa solidong depensang inilalatag ng Lady Warriors dahilan upang magkasya ito sa 12 puntos na produksiyon.
Bantay-sarado rin si Laure na nakagawa lamang ng 8 puntos.
Asahan na ang mas agresibong laro ng Tigresses para manatiling buhay ang kanilang pag-asang makapasok sa finals.
Tutulong din sina Pam Lastimosa, Ria Meneses, Shanen Palec at Alex Cabanos.
Ang BaliPure naman ay galing sa 25-19, 25-18, 25-21 panalo sa Customs kung saan bumida si Katherine Morrell na may 20 puntos at Kaylee Manns na gumawa ng 47 excellent sets.