Petron asam ang ikaapat na panalo laban sa Cignal

MANILA, Philippines - Patatatagin ng Petron ang kapit sa solong pamumu­no sa pakikipagtipan sa Cignal HD sa 2016 Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.

Magtutuos ang Tri-Activ Spikers at HD Spikers nga­yong alas-12:30 ng tanghali kasunod ang duwelo ng F2 Logistics at Generika sa alas-3 ng hapon at ng bakbakan ng nagdedepensang Foton at RC Cola-Army sa alas-5.

Hawak ng Petron ang liderato tangan ang malinis na 3-0 rekord kabuntot ang Tornadoes na may imakulada ring 2-0 baraha.

Nasa ikatlo ang Lady Troopers (1-) kasunod ang Cargo Movers (1-2), HD Spikers (0-1) at Lifesavers na wala pang panalo sa tatlong laro.

Galing ang Tri-Activ Spikers sa 25-23, 23-25, 25-18, 25-19 panalo laban sa Lady Troopers noong Huwebes kung saan muling bumida si American import Stephanie Niemer na humataw ng 24 puntos mula sa 20 attacks, tatlong aces at isang block.

Desidido ang Petron na maibalik sa kanilang palad ang Grand Prix title na huli nitong nahawakan noong 20­14 sa likod nina American open hitter Alaina Bergsma, Brazilian setter Erica Adachi at dating Petron player Dindin Santiago na naglalaro na para sa Foton.

“Mahaba pa ang tournament. Maganda ang start na­min pero kailangan namin itong isustain hanggang dulo. Mawawalan ng saysay ang magandang simula namin kung hindi namin makukuha ‘yung title,” wika ni Petron mentor Shaq Delos Santos.

Aasahan rin ni Delos Santos si middle blocker Serena Warner katuwang ang locals na sina Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina, Christine Joy Rosario, April Ross Hingpit at libero Jen Reyes.

Ngunit inaasahang matinding puwersa ang haharapin ng Petron dahil babanderahan nina 2016 Rio Olympic Games campaigners Lynda Morales at Laura Schaudt ang koponan ng Cignal.

Show comments