Bagong teknolohiya gagamitin sa World volley
MANILA, Philippines - Maraming bagong teknolohiya ang ipatutupad sa 2016 FIVB Women’s Club World Championship na lalarga sa Martes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ayon kay Philippine Superliga (PSL) President Tats Suzara, gagamitin ang “hawkeye replay system” upang matiyak ang tama at epektibong officiating sa naturang world meet.
Gagamitin sa hawkeye ang pitong kamera na may matataas na kalidad na ipapakalat sa iba’t ibang parte ng court upang makuha ang bawat galaw at lapag ng bola.
Ang ganitong teknolohiya ang ginagamit sa malalaking torneo gaya ng Olympics, World Championships, Olympic qualifiers at World Grand Prix.
Gagamit din ng tablet system bilang komunikasyon ng bench at table officials.
Bibigyan ang mga coaches ng tablet mula sa Data Volley kung saan dito ilalatag ng bawat koponan ang kani-kanilang starting roster at request sa substitutions, timeouts at challenges.
Ilan pa sa mga gagamitin ay ang Senoh transport system, Gerflor tri-color volleyball floor at LED digital ad boards.
Dumating na sa bansa ang reigning Swiss Cup champion Volero Zurich habang inaasahang susunod na ang Rexona-Sesc Rio, Pomi Casalmaggiore, VakifBank Istanbul at Eczacibasi VitrA Istanbul gayundin ang Hisamitsu Springs Kobe at Bangkok Glass.
Magkakaroon ang PSL-Manila, Volero Zurich, Rexona-Sesc Rio, VakifBank Istanbul, Pomi Casalmaggiore at Eczacibasi VitrA Istanbul ng meet and greet session sa alas-2 ngayong hapon sa Robinson’s Place Manila.
- Latest