MANILA, Philippines - Matamis na inangkin ng St. Clare College-Caloocan ang kampeonato sa 2016 NAASCU men’s basketball tournament.
Ito ang kanilang ikalawang titulo sa loob ng limang taon.
Ngunit hindi ito naging madali para sa Saints.
Kinailangan ng St. Clare ng solidong depensa sa huling sandali ng laro upang pigilan ang pagtatangka ng Our Lady of Fatima University tungo sa gitgitang 64-62 panalo kahapon sa Makati Coliseum.
Nakuha ng Saints ang 64-62 kalamangan may pitong segundo pa ang nalalabi nang mapwersa nito si Joseph Marquez ng Fatima na magmintis sa tangkang tres na nagdala sana sa Phoenix sa panalo.
Nakahinga ng maluwag si Saints coach Jinino Manansala sa pagtunog ng final buzzer upang samahan ang kanyang tropa sa selebras-yon gayundin si NAASCU chairman Dr. Ernesto Jay Adalem ng host St. Clare.
Nauna nang naisukbit ng Saints ang kampeonato noong 2012 bago tumapos bilang runner-up sa Centro Escolar University sa tatlong sunod na taon (2013 hanggang 2015).
Doble ang selebrasyon ng St. Clare makaraang kubrahin din nito ang titulo sa juniors division.
Tinalo ng St. Clare ang AMA University, 74-62 sa rubber match ng kanilang best-of-three championship series.
Itinanghal si Mark Yu ng St. Clare bilang MVP habang nakasama nito sa Mythical Team sina Raymart Lumabas ng St. Clare, Javin Serrano ng AMA, Jack Hoyohoy ng Fatima at Jonathan Boholano ng Rizal Technological University. (CCo)