MANILA, Philippines – Isang matamis na pagresbak ang naisakatuparan ng University of the Philippines nang isalpak nito ang 25-18, 25-21, 32-34, 25-21 panalo laban sa Far Eastern University kagabi sa Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagsanib-puwersa sina Nicole Tiamzon at Isa Molde na parehong humataw ng tig-24 puntos upang maitabla ng Lady Maroons ang serye sa 1-1 sa kanilang best-of-three, battle-for-third showdown.
Malalim din ang depensa ng UP nang magtala ito ng 77 digs kung saan tig-19 dito ang galing kina Tiamzon at Molde.
Nagparamdam din ng lakas si Diana Carlos na pumalo ng 12 puntos gayundin sina Marian Buitre at Rose Mary Cawiling na may pinagsamang 12 puntos para sa UP na nakabawi mula sa kanilang tinamong 25-23, 25-23, 21-25, 21-25, 15-9 kabiguan sa Game 1 laban sa Lady Tamaraws.
Naasahan ng FEU si Toni Rose Basas na nakalikom ng 19 puntos habang nagdagdag si Jerilli Malabanan ng 15 puntos gayundin sina Remy Palma at Celine Domingo na gumawa ng parehong 11 hits.
Dominante ang Lady Maroons sa attack line matapos hatawin ang 68 kills laban sa 54 lamang ng Lady Tamaraws.
Ngunit naramdaman ang puwersa ng FEU sa net defense bunsod ng 10 block points nito gayundin sa service area hawak naman ang anim na aces.
Kung magwawagi ang National University sa Ateneo sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals series, awtomatikong makukuha ng UP ang third place trophy.
Subalit kung mananalo ang Lady Eagles, lalaruin ang Game 3 ng UP-FEU sa Sabado.
Samantala, itinanghal na season Most Valuable Player si Jaja Santiago ng NU. Nakuha rin nito ang First Best Middle Blocker award.
Ang iba pang individual awardees ay sina Palma (Second Best Middle Blocker), Basas (Best Opposite Hitter), Molde (First Outside Spiker), Jorelle Singh ng NU (Second Best Outside Spiker), at sina Gyzelle Tan (Best Libero) at Jia Morado (Best Setter) ng Ateneo.