MANILA, Philippines – Nasa kanyang pang-siyam na laban pa lamang si Charlie Edwards bilang professional fighter.
At hindi siya umubra kay Filipino world two-division champion Johnriel Casimero.
Pinatumba ni Casimero ang Briton challenger sa tenth round para manatiling hawak ang kanyang International Boxing Federation flyweight title kahapon sa O2 Arena sa London, England.
Ito ang unang pagtatanggol ng tubong Ormoc City, Leyte na si Casimero sa kanyang suot na IBF flyweight belt matapos itong agawin kay Amnat Ruenroeng ng Thailand via fourth-round KO noong Mayo.
Itinaas ni Casimero ang kanyang win-loss-draw ring record sa 23-3-0 kasama ang 15 knockouts, habang nalasap naman ni Edwards (8-1-0, 3 KOs) ang kanyang unang kabiguan sa siyam na professional fights.
Kumonekta ang 26-anyos na si Casimero ng isang overhand right at uppercut na nagpaalog sa mga tuhod ni Edwards sa fourth round.
Napaputok ni Edwards ang ibabaw ng kilay ni Casimero sa fifth round na hindi naman nakaapekto sa Pinoy world champion.
Tuluyan nang tinapos ni Casimero ang kanilang laban nang mapatumba si Edwards mula sa isang left hook sa 1:57 minuto ng 10th round.
Nakabangon si Edwards para muling labanan si Casimero ngunit tuluyan itinigil ni referee Steve Gray ang naturang laban nang muling rapiduhin ng una ang Briton fighter.
Bago pa labanan si Edwards ay inihayag na ni Casimero, ang dating IBF light flyweight titlist, ang kagustuhang makatapat si world three-division champion at ang kasalukuyang ‘pound-for-pound’ king na si Roman “Chocolatito” Gonzalez (46-0-0, 38 KOs) ng Nicaragua.
Binigo ni Gonzalez si Carlos Cuadras (35-1-1, 27 KOs) via unanimous decision para agawin sa Mexican ang suot na WBC super flyweight crown sa kanilang bakbakan sa Inglewood, California.