MANILA, Philippines – Ikalimang panalo ang puntirya ng Phoenix sa pagsagupa nito sa Blackwater upang mapaganda ang kanilang puwesto sa susunod na yugto ng PBA Season 41 Governors Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City
Magku-krus ang landas ng Fuel Masters at Elite sa alas-4:15 ng hapon habang magtitipan ang Alaska at Globalport sa alas-6 ng gabi.
Nasa ikaanim na puwesto ang Fuel Masters hawak ang 4-4 baraha habang laglag na ang Elite tangan ang 1-7 marka.
Galing ang Fuel Masters sa dalawang sunod na panalo sa likod ng 6-foot-5 import na si Eugene Phelps tampok ang 45 puntos na produksiyon sa kanilang 106-93 panalo laban sa Star Hotshots noong Setyembre 2.
Ngunit binalaan ni Phoenix Petroleum coach Ariel Vanguardia ang kanyang bataan ng dobleng pag-iingat dahil nais ng Blackwater na magkaroon ng magandang pagtatapos sa kumperensiyang ito.
“You never know what to expect against Blackwater. They have a lot of new players and at the same they are very hungry right now. We cannot afford to play complacent against them,” ani Vanguardia.
Makakasama ni Phelps sina Willie Wilson, swingman Cyrus Baguio, Mark Cruz, Norbert Torres at Josh Urbiztondo.
“I hope we sustain our win streak. So far, we still have four more tough games after this,” dagdag ni Vanguardia.
Ang Elite naman ay buhat sa anim na sunod na kabiguan.
Bago na ang import ng Blackwater sa ngalan ni Keala King kung saan ipaparada rin nito si Ronald Pascual na nakuha ng tropa kapalit ni Mike Cortez.
Aaragkada rin sina Reil Cervantes, James Sena, Jason Melano, Jerick Canada, Rafi Reyes, Carlo Lastimosa, Kyle Pascual at Bambam Gamalinda.