MANILA, Philippines – Sisimulan ng Far Eastern University ang pagdepensa sa titulo sa pagharap laban sa De La Salle University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magpapang-abot ang Tamaraws at Green Archers sa alas-4 na rematch ng finals noong nakaraang taon.
Maghaharap naman sa unang laro ang University of the East at National University sa alas-2.
Paboritong magkampeon ang La Salle na nagtataglay ng matikas na lineup.
Nangunguna na sa listahan si 6-foot-8 Cameroonian Ben Mbala na tunay na nagpakitang-gilas sa preseason tournament.
Malakas na suporta ang ibibigay nina Jason Perkins, Andrei Caracut, Thomas Torres, Prince Rivero, Julian Sargent at graduating Jeron Teng na nagnanais bigyan ng magandang pagtatapos ang kanyang collegiate career.
“Iba ang La Salle ngayon. We’re more of a defensive team and we’re excited to play our opening game against FEU,” wika ni Green Archers mentor Aldin Ayo na dinala ang Letran sa kampeonato noong nakaraang taon sa NCAA bago lumipat sa La Salle para palitan si Juno Sauler.
Tiwala naman si FEU coach Nash Racela na makapagbibigay ng magandang laban ang kanyang bataan sa taong ito.
“Sila ang kino-consider ng karamihan na title contender sa taong ito. They improved a lot this season. But we prepared hard for them and for all the teams. We’re optimistic,” ani Racela.
Aasahan ng Tamaraws sina 6-foot-4 skipper Reymar Jose, Prince Orizu, Monbert Arong, Joe Allen Trinidad at Kevin Eboña.
Sa kabilang banda, sasalang para sa NU sina Alfred Aroga, JJ Alejandro, Jeoffrey Javillonar at guard Jess Dipotado na tatapatan ng UE sa pangunguna nina Paul Varilla, Edison Batiller, John Jordan Sta. Ana, Nick Abanto, Bonbon Batiller at Clark Derige.
Hawak ng Adamson at Ateneo ang liderato matapos gapiin ang UP (105-85) at UST (73-69), ayon sa pagkakasunod sa opening game.