MANILA, Philippines - Sumagwan ang Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) ng dalawang ginto, isang pilak at isang tansong medalya sa 2016 Taiwan International Dragon Boat Championships na ginanap sa Fu-Lu River sa Changhua County, Taiwan.
Nasungkit ng Pinoy paddlers ang unang gintong medalya nang mamayagpag ito sa 200-meter standard boat 20-seater kung saan tinalo nito ang Taiwan Canoe at Songshan Team na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
“Such a great feeling to see our Philippine Flag being waved on the dragonboat as the champion here at the Taiwan International Dragon Boat Championships. Proud Pinoy. Para sa bansa,” pahayag ni PCKDF President Jonne Go.
Nasiguro ng Pilipinas ang ikalawang ginto sa 200-meter small boat 10-seater nang muli nitong payukuin ang mga Taiwanese paddlers.
Nagkasya naman sa pilak ang PCKDF sa 500m standard boat 20-seater mixed category na pinagharian ng Taiwan Canoe habang pumangatlo lamang ang China.
Ang tanso ay buhat sa 500m small boat 10-seater mixed category na binanderahan ng Taiwan Canoe at Chinese-Taipei squad.
“We’re sending our athletes abroad to give them proper exposure for our future international competitions. Malaking tulong ang mga ganitong tournaments para ma-gauge yung skills ng mga bata,” pahayag ni PCKDF national head coach Len Escollante.
Kabilang sa mga pinaghahandaaan ng PCKDF ang 2016 Asian Dragonboat Championship at 2016 Puerto Princesa International Club Crew Championship na parehong idaraos sa Nobyembre sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang Asian meet ay gaganapin mula Nobyembre 11-12 habang ang club crew event ay lalarga mula Nobyembre 12-13.