MANILA, Philippines – Inangkin ng longshot colt na Radio Active ang first leg ng Philippine Racing Commission Triple Crown series para sa elite 3YO Thoroughbreds sa pamamagitan ng pitong dipang panalo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang panalo ng Nestor Manalang-trained Radio Active ay katumbas ng premyong P1.8 milyon para sa horse owner na SC Stockfarm Inc. na kumuha rin sa P100,000 breeder’s purse.
Ang Radio Active ay anak ng US-breds na Lim Expensive Toys (sire) at Lacquaria (dam).
Sumegunda at tumersera naman ang Underwood at Space Needle ng Stony Horse Farm Inc. para maibulsa ang P675,000 at P375,000, ayon sa pagkakasunod, sa unahan ng Subterranean River ni Wilbert Tan na sumikwat ng P150,000.
Ang malakihang three-leg series ay halaw mula sa Triple Crown ng United States kung saan ito ay binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes at Belmont Stakes.
Kinuha ng Indianpana ng Deemark International Trading Corp. ang unahan sa pagsisimula ng 1,600-meter race kasunod ang paboritong Dewey Boulevard ni Hermie Esguerra, ang Space Needle at Radio Active.
Sa backstretch ay iniwanan ng Dewey Boulevard ang mga kasabay na Radio Active, Space Needle at Indianpana.
Sa likod ng mahusay na pagdadala ni jockey John Alvin Guce ay naagaw ng Radio Active ang unahan papasok sa far turn at patungo sa panalo.
Dahil sa sobrang tuwa sa panalo ng Radio Active ng pitong dipa ay napatayo si Guce bago pa man tumawid sa finish line.
Dahil dito ay pinatawan si Guce ng multang P1,000 ng stewards dahil sa grandstanding.