Lee ‘di na rin makakalaro sa Gilas Pilipinas

Si Paul Lee ng Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines – Isa na namang mahusay na manlalaro ang nalagas sa lineup ng Gilas Pilipinas na naghahanda para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo 5 hanggang 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi na maglalaro si Paul Lee ng Rain or Shine dahil nais nitong ipahinga ang kanyang kaliwang tuhod upang tuluyang gu­ma­ling ang kanyang iniindang injury.

Personal na nagtungo si Lee sa ensayo ng Gilas Pilipinas upang personal na sabihin ang kanyang desisyon kay Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin na tunay na nalungkot dahil bilib ito sa husay ng natu­rang Elasto Painters guard.

Matagal nang duma­daing si Lee sa kanyang injury sa tuhod.

Ilang beses din itong hindi nakapaglaro para sa Elasto Painters sa katatapos lang na PBA Commissioner’s Cup ngunit nagdesisyon si Lee na lumaro sa krusyal na sandali ng torneo partikular na sa best-of-seven championship series.

Tinulungan ni Lee ang RoS na masungkit ang kampeonato sa Commissioner’s Cup - ang kanilang ikalawang korona sa liga kung saan itinanghal pa itong Finals MVP.

Sa pagkawala ni Lee, apat na point guards na la­mang ang pagpipilian ni Baldwin.

Ito ay sina Terrence Romeo ng Globalport, Jayson Castro ng Talk ’N Text, LA Tenorio ng Barangay Ginebra at UAAP MVP Kiefer Ravena ng Ateneo.

Nauna nang natanggal sa Gilas Pilipinas pool sina Greg Slaughter at Matt Ganuelas-Rosser na parehong may ankle injury.

Inaasahan namang da­rating sa linggong ito si naturalized player Andy Blatche upang makasama ang Gilas Pilipinas pool sa training camp.

Pinaghahandaan ng Pambansang koponan ang pagsabak sa Olympic qualifying dahil darating sa bansa ang matitikas na koponan gaya ng France na may limang NBA pla­yers sa lineup gayundin ang New Zealand na parehong kasama ng Pilipinas sa Group B.

Show comments