Narvasa sisibakin?

Naku mukhang mas mainit pa sa panahon ang umuugong na balita sa paligid ng PBA.Ito ‘yung klase ng balita na umuugong pero wala kunwaring pumapansin. “Yung uri ng balita na hindi mo susubukan na itanong kahit kanino sa bumubuo ng nasabing liga.

Parang sa isang pamilya na alam mong may pinag­dadaanan ang isa sa miyembro ng pamilya mo pero mas pipiliin ninyong huwag pag-usapan kasi baka magalit si Nanay at Tatay.

Ang nasabing balita--ang posibleng pagpapapalit ng bagong commissioner ng liga. Matunog kasi ang tsismis tungkol sa kagustuhan ng ilang team owners na bumaba na sa puwesto niya bilang commissioner si Chito Narvasa, kasi hindi na rin nila gusto ang pamamalakad nito sa liga.

Pero hindi naman tuluyang tatanggalin sa liga, ililipat lang ng puwesto, actually nailipat na siya bilang CEO, tapos may kukunin silang bagong commissioner na siyang magpapatakbo sa liga.

Ano ba ang nangyayari na sa PBA? Hindi pa nga tapos ‘yung isyu tungkol sa Marketing Director na si Rhose Montreal eto at ang commissioner naman ang target na sibakin.

Huwag na natin artihan ang salita, oo sisibakin siya, hindi na kakagat sa tao ‘yang mga “graceful exit” na term na ganyan. Pinabango lang ang pangalan niya pero in the end, sibak pa rin ang tawag dun.

Hay naku sana lang may magandang maidulot ang umano’y pagpapalit ng liderato na ito ng PBA. At kung magpapalit kayo ng commissioner siguruhin n’yo na mas matino kaysa sa tinanggal n’yo.

Baka mamaya sablay na nga ‘yung tinanggal n’yo mas sablay pa rin ang ipapalit n’yo...Huwag naman sasama ang loob sana ng PBA pips, minsan maganda din ‘yung pinupuna ang pagkakamali n’yo, hindi puro papuri. Hindi araw-araw Pasko.

Ngayon nasa sa inyo naman kung paano n’yo dalhin ang batikos sa inyo. Ang matatalinong tao, ka­pag pinuna, tinitingnan nila ang positibong aspeto ng pamumuna sa kanila saka gagawa ng mas tamang aksyon. Pero kung hindi naman ninyo matanggap ang pamumuna sa inyo, siguruhin ninyong tama ang lahat ng gagawin n’yo.

Peace!

Show comments