MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng pamunuan ng University of Santo Tomas ang mga naglabasang ulat sa umano’y pang-aabuso ni men’s basketball head coach Bong Dela Cruz sa ilang manlalaro habang nagsasanay ang koponan para sa UAAP Season 78 basketball tournament.
Nais ng UST na bigyang linaw ang mga isyung lumalabas upang maayos ang programa nito na hindi lamang sa basketball maging sa buong sports program ng unibersidad sa kabuuan.
Hinikayat rin ng mga namumuno sa unibersidad na lumantad ang mga manlalarong naging biktima ng pang-aabuso o anumang uri ng pananakit para mabigyang linaw ang mga akusasyon.
Ilan sa mga umano’y pang-aabusong ginawa ni Dela Cruz ay ang pambabato ng bola sa tuwing nagagalit ito gayundin ang pagmumura sa harap ng mga manlalaro base sa pagsisiwalat ng ilang source na nakasaksi o mismong naging biktima ng pang-aabuso.
Gayunpaman, ayaw maglabas ng opisyal na statement ang UST hangga’t hindi nito nakukuha ang panig ng mga nagrereklamo at inirereklamo.
Habang gumugulong ang imbestigasyon, hindi pinahihintulutan ng unibersidad na dumalo sa anumang pagsasanay ng koponan ang men’s seniors basketball coaching staff gayundin ang mga team managers nito.
“I cannot call it a preventive suspension because we have not suspended him. What I am saying is that he cannot handle the practices until we have made a decision,” ayon kay Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) director Fr. Ermito de Sagon sa ulat na lumabas sa The Varsitarian - ang opisyal na pahayagan ng UST.
Si Dela Cruz ang humalili sa nabakanteng puwesto ni Pido Jarencio na nagpasyang lisanin ang koponan noong 2013.
Dinala ni Dela Cruz sa ikaanim na puwesto ang Growling Tigers sa kanyang unang taon sa koponan noong Season 77 habang umabot sa finals ang koponan sa Season 78 ngunit natalo ito sa Far Eastern University, 1-2 sa best-of-three championship series.
Matatapos na sa Abril ang kontrata ni Dela Cruz sa UST.
Ilang pangalan na ang lumulutang na papalit sa kanyang puwesto kabilang na si dating PBA player Bal David.