MANILA, Philippines – Pormal nang tinanggap ng Philippine Basketball Association ang Phoenix Petroleum bilang bagong miyembro matapos nitong maisumite ang lahat ng kinakailangang requirements para maging isang active member ng local pro league sa loob ng limang seasons.
Itutuloy pa rin ng Phoenix Petroleum ang kanilang partisipasyon sa PBA D-League hanggang sa susunod na conference.
Kagaya ng iba pang PBA newcomers, nagbayad din ang Phoenix Petroleum sa PBA ng porsiyento ng kanilang pagbili sa Barako Bull franchise bilang league acceptance fee.
Binili ng Phoneix Petroleum ang Barako Bull franchise, may coaching staff na pinamumunuan ni head coach Koy Banal at mga Gilas players na sina JC Intal at Mac Baracael, ng higit-kumulang sa P100 milyon.
Tinanggap nina PBA chairman at acting CEO/president Robert Non, vice chairman Erick Arejola at iba pang miyembro ng PBA board ang Phoenix Petroleum sa liga matapos ang pulong sa PBA office sa Libis, Quezon City noong Huwebes.
Hinirang ng bagong ball club sina Phoenix president at chief executive officer Dennis Uy at top official Atty. Raymond Zorilla bilang team governor at alternate governor.
Naghahanap na ang koponan ng import na kanilang ipaparada sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
“We have a little time to prepare, so we’ll make do with what we have. In the first place, we are new in this endeavor; we don’t want to rock the boat,” sabi ni Zorilla.
Pinanatili ng Phoenix sa koponan sina Willy Wilson, Mick Pennisi, Jeric Fortuna, Josh Urbiztondo, Chico Lanete at James Forrester.
“The PBA is one of the most accomplished marketing tools in the country, for a young company like ours; our PBA participation would make a big impact,” wika ni Zorilla.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang nagdedepensang San Miguel Beermen at Alaska Aces sa Game 6 ng kanilang best-of-seven titular showdown habang sinusulat ito.