OAKLAND, California — Tumikada si Stephen Curry ng 37 points at nagsalpak ng anim na triples sa tatlong quarters para banderahan ang reigning champion Golden State Warriors sa 120-90 paglampaso sa San Antonio Spurs.
Umiskor si Curry ng 15 points sa opening quarter at nagtala ng 12 for 20 para sa ika-39 sunod na panalo ng Golden State sa Oracle Arena kung saan sinaksihan ng mga fans ang potential Western Conference finals preview.
Tinapos ng Warriors (41-4) ang 13-game winning streak ng Spurs (38-7) na naglaro na wala si Tim Duncan (knee injury).
Kinabog ni Curry ang kanyang dibdib matapos ipasok ang ikalawa niyang three-pointer na nagbigay sa Golden State ng 76-56 abante sa 7:55 minuto sa third period.
Ito ang ika-1,400 career triple ni Curry at naging pang-26 player sa NBA history na nakagawa nito.
Nagtala si All-Star forward Kawhi Leonard ng 16 points para sa Spurs kung saan siya binantayan nina Harrison Barnes at Andre Iguodala.
Sa Cleveland, umiskor si LeBron James ng 25 points para pangunahan ang anim pang players sa double figures at giniba ng Cavaliers ang Minnesota Timberwolves, 114-107.
Nauna nang natalo ang Cleveland sa Chicago Bulls noong Linggo isang araw matapos hirangin si Tyronn Lue bilang kapalit ni David Blatt.
Sa iba pang resulta, niresbakan ng Miami Heat ang Chicago Bulls, 89-84, giniba ng Boston ang Washington, 116-91; tinalo ng Memphis Grizzlies ang Orlando, 108-102; pinatumba ng Houston Rockets ang New Orleans Pelicans, 112-111; binigo ng Atlanta Hawks ang Denver Nuggets, 119-105; pinadapa ng Detroit Pistons ang Utah Jazz, 95-92 at pinayukod ng Charlotte ang Sacramento Kings, 129-128.